Biktima

Sinaksak.
Sinugatan.
Sinaktan.
Binaon.
Binaon sa limot ang nakaraan.
Nakaraan natin na kung saan,
Ikaw at ako, ako at ikaw lang
Ang tangi nating alam.
Biktima ako ng matatamis mong salita.
Agad namang pinalitan ng balde-baldeng luha.
Ilang pamunas ang nasayang,
Nang dahil lang sa pag-ibig kong sinayang lang
Ilang gabing iniyakan, sa di malamang dahilan
Bigla kang nawala ng di ko namalayan,
Iniwan mo’ko ng walang paalam.

Lumipas ang araw, buwan, at taon.
Akala koy nilimot narin ng kahapon,
Ang isang bagay na akala kong wala ng halaga,
Magkakahalaga pa pala ng makita ulit kita.
Nakita nga kita.
Nakita kita na may kasamang iba.
Pinikit ko ang aking mga mata,
Kasabay ng pagpikit nito ang unti-unting paghina ng aking sistema
Ramdam ko ang sakit.
Sakit na parang paulit-ulit kang sinasaksak at sinasampal sa katotohanang wala na, wala na talagang pag-asa pa.

Pilitin ko mang kalimutan lahat gaya ng dagliang paglimot mo
Di ko magawa dahil nag iwan ka ng alaala sa puso ko.
Alaala nating dalawa na magkasama,
Alaala na bumabalik sa twing nakikita kita.
Kung maibabalik ko lang ang panahon,
Mas pipiliin kong landas nati’y di nalang magtagpo.
Pipiliin kong baguhin ang takbo ng aking mundo,
Nang sa ganon, di ako masasaktan ng ganito.

Sinaksak. Sinugatan. Binaon.
BINAON MO sa limot ang matamis nating kahapon.

Nawalang Unang Pag-ibig

Naaaliw ako sa mga bulang nagliliparan sa ere,
Naaaliw ako sa mga bulang nakikita kong sumasayaw kasabay ng malamig na ihip ng hangin,
Napakagandang pagmasdan ng mga bulang nagmimistulang bahaghari ang kulay dahil sa nasisinagan ito ng araw,
Sa sayang idinulot ng mga bulang iyon sa’king mga mata ay kaagad namang napawi.
Napawi, ng di ko nalamayan.

Parang ikaw.
Ikaw na bulang di ko namalayang nabuo, di ko namalayang unti-unti nakong pinapasaya at dahan dahang pinapawi ang lungkot dito sa puso ko.
Oo, ikaw ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng kaunting ligaya sa buhay ko. Pinasaya mo ko pero sa isang iglap lang, Sa isang pitik lang ng daliri ko, bigla kang naglaho.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses na kong nagpabalik-balik sa mga katagang “kaya pa” at “makakaya pa nating magkasama”
Ilang beses na nga ba akong kumapit sa salitang may magbabago pa?
Ilang beses nang nagbakasakaling hindi pa huli ang lahat
Para sa’yo, sa akin, sa tayo.
Pero ganito nga yata ang takbo ng tadhana nating dalawa
Ang iwanan nalang ang isa’t-isa

Siguro huli na nga ang lahat
Alam ko namang hindi rin sapat,
Ang mga pangakong binitawan,
Ang pag-ibig na inilaan,
Ang mga ala-alang nagmarka na sa puso’t isipan.
Pero mahal, sa paglaho mo’y sana maglaho narin ang nararamdaman ko.
Sana ganun lang kadali,
Pero hindi.
Bakit ba hindi?

Bakit nga ba hindi?
Kung may gamot lang sa paglimot ng mga ala-alang nagbakas
Matagal na sana akong nakatakas,
Sa sakit, pait at lungkot
Na sa aki’y bumihag at dumukot.

Bakit nga ba wala?
Wala akong makitang rason kung pano ka bitawan
Kahit alam kong matagal mo na kong sinukuan at kinalimutan
Iniwan mo na nga akong sugatan
Pero bakit gusto ko pa ring lumaban?

Lumaban at sumubok muli
Lumaban at magpakatangang muli
Titiisin kahit anong hapdi
Bumalik ka lang sa aking tabi

Pero siguro nga masyado lang akong nalumbay sa ideya ng unang pag-ibig.
Ang buhay kong nawala sa ritmo at himig
Pilit ko nang hinahanapan ulit ng tono
upang makabalik sa kumpas
na bubuhay sa sawi kong bukas.